Si Langgam at si Tipaklong

Si Langgam

Araw-araw ay makikita si Langgam na nagsisikap na maghanap, maghakot, at mag-impok ng pagkain sa kanyang tinitirhan upang maging handa sa pagdating ng panahon ng tag-ulan. Siya ay madalas pintasan ni Tipaklong sapagkat siya raw ay hindi na nagkakaroon ng oras upang magsaya o maglibang.

Si Tipaklong

Sa kabilang banda, makikita si Tipaklong na masayang naglalaro. Patalon-talon ito habang humihimig pa. Wala siyang ibang ginagawa kundi ang magsaya at maglibang na animo ay walang iisipin sa pagdating ng panahon ng tagulan.

Ang Kawawang Tipaklong

Natapos ang panahon ng tag-araw kung kaya’t nagsimula na ang tag-ulan. Bumuhos ang ulan at unti-unti itong lumakas at lalong lumalakas pa na naging dahilan upang magkaroon ng pagbaha sa bukirin.

Sa kabutihang palad, si Langgam ay nasa maayos na kalagayan dahil sa kanyang ginawang paghahanda subalit kaawa-awa naman ang kay Tipaklong.

Dahil sa hindi na makayanan ni Tipaklong ang gutom at lamig siya ay nagtungo kay Langgam at humingi ng tulong. Hindi naman nagdalawang isip si Langgam na tulungan ang kaawa-awang si Tipaklong kaya pinatuloy niya ito sa kanyang tahanan, binigyan ng masusuot, at hinainan ng makakain at maiinom.

Dahil rito nakaramdam ng hiya si Tipaklong sapagkat si Langgam kahit na maliit ay may abilidad ito samantalang siya na higit na mas malaki kaysa rito ay nangangailangan pang humingi ng tulong.

Tauhan

Sa kwentong ito, itinampok sina:

  1. Langgam – ang karakter na ipinakita sa kwento bilang masipag na nilalang na naghahanda sa pagdating ng panahon ng tag-ulan sa pamamagitan ng pag-iimabk ng mga makakain sa panahong ito.
  2. Tipaklong – ang karakter sa kwento na ipinakitang mahilig magsaya, maglaro, at maglibang na tila hindi alintana ang kahaharaping hamon sa pagdating ng panahon ng tag-ulan.

Aral

Ang mga aral na mapupulot sa kwento ay:

  • Ang isang taong may itinabi, sa oras ng pangangailangan siya ay mayroong magagamit.
  • Sa oras ng pangangilangan, malalaman ng tao ang tunay na ugali ng kanyang kinikilalang mga kaibigan sapagkat dito nasusukat ang taong tunay na may kalooban sa pagtulong.
  • Ang isang taong naghirap upang makaipon ay makakamtan ang ginhawa sa takdang panahon.

Tagpuan

Ang tagpuan ng kwento ay nangyari sa bukid kung saan dumaraan si Langgam at naglalaro si Tipaklong.

Tema

Ang kwento ay umiikot sa paggawa, pag-iimpok, at pagkakaibigan.

Banghay

Sa pagsisimula ng kwento, Si Langgam ay matiyagang nag-iipon ng mga makakain niya sa panahon ng tag-ulan.

Madalas siyang tuksuhin ni Tipaklong na madalas nakikita namang nagsasaya at naglalaro sa damuhan sapagkat siya ay laging gumagawa at walang panahon na makapagsaya.

Subalit sa pagdating ng panahon ng tag-ulan, naging maginhawa si Langgam dahil sa kanyang pagsisikap samantalang kaawa-awa naman ang lagay ni Tipaklong sapagkat wala itong masilungan at makain.

Sa huli, lumapit si Tipaklong kay Langgam upang humingi ng tulong. Siya ay tinulungan naman ni Langgam na naging ugat upang magbago si Tipaklong.