Idol ko si Rizal at iba pa niyang mga tropang bayani. Hindi maipagkakait na napakalaki ng kontribusyon nila sa kasaysayan ng Pilipinas. Mataas ang respeto ko sakanila at talaga namang hinahangaan ko sila. Pero ang pinaka bayani na aking itinuturing sa aking buhay ay ang aking ina.
Oo, si Mama. Ikukwento ko muna sa inyo ang aking buhay, wala akong tatay habang lumalaki. Nag-iisa lang ang aking magulang. Maraming beses din ako pinagtawanan ng aking mga kaklase dahil sa aking sitwasyon. Pero hindi ko sila naririnig. Mga opinyon na walang dating sa akin. Dahil alam ko na kahit ipagsama-sama pa ang mga magulang nila ay wala silang sinabi sa aking ina.
Napakabait ng aking nanay. Take note, hindi kami mayaman noong lumalaki ako. Pero napakaraming kamaganak ang kanyang natulungan. Sabi nga nila, madali lang maging mabait kapag ikaw ay mayaman, pero kung mahirap ka, tapos mapagbigay kaba… well kayo tumapos ng sentence na ito 😉
Napaka swerte ko na binigyan ako ng ganitong klaseng ina. Sana kahit kalahati ng ugali niya ay mamana ko. Sobrang proud ako sakanya. Dumating ang panahon na tinalikuran ako ng lahat ng mga tao sa buhay ko. Walang-wala talaga ako. Pero ang siya lang ang naniwala sa akin. Sinuportahan niya ako sa aking mga ideya at pangarap. Ngayon maganda na ang aking buhay at lubos na nagpapasalamat ako sa aking ina. Dahil sakanya, may nararating na ako sa buhay.
Sana dumating ang panahon na masuklian ko lahat ng ginawa niya para sa akin. Kahit na sinasabi niya na makita niya lang akong masaya at maganda ang buhay ay masaya nadin siya. Gusto ko padin siyang alagaan at bigyan ng mga bagay na magbibigay ng saya sa kanyang buhay. Ayaw ko na tumanda siyang takot na walang magmamahal sakanya, dahil sigurado ako na lahat ng tao na minamahal niya sa buhay at lalong lalo na ako, ay hindi makakalimot. Ang tao na ito na nagbigay ng sobra-sobra na halos wala ng matira sakanya, sisiguraduhin ko na hindi masasayang ang kanyang tiwala.
Para sa mga nakakabasa nito, gusto ko lang sana na maintindihan ninyo na ang inyong ina ay hindi habang-buhay magiging 40 years old, habang ikaw ay tumatanda araw-araw, ganun din ang iyong magulang. Sabihan mo sila ng “I love you” araw-araw, iparamdam mo ang pagmamahal mo sakanila. Imbes na uminit ang ulo mo kapag pinagsasabihan ka nila, isipin mo muna na kaya lang sila ganoon ay dahil mahal ka nila at gusto nila na maitama ang iyong buhay.