Saan Kaya Ako Mapapadpad?

Maraming mga bagay sa mundo ang nagpapaisip sa akin. Bakit hindi nalang magmahalan ang mga tao, bakit naghihirap ang karamihan sa buhay pero ang pinaka nagpapagising sa akin tuwing hating-gabi ay ang tanong ko sa sarili ko na kung “saan kaya ako mapapadpad?”

Kung ako lang masusunod, gusto ko magkaroon ng sapat na pera. Hindi sobrang dami, pero yung sakto lang na hindi ko na ito kailangan pang problemahin sa buhay ko. At yung mayroon padin akong pang suporta sa aking magulang para sa kanilang pag tanda ay hindi sila mangamba kung saan sila pupulutin. Siyempre gusto ko din pumunta sa iba’t ibang bansa. Pero ok lang sa akin kahit hindi ako magkaroon ng mansion, basta mayroon lang bahay na maaari kong tawagin na tahanan. Kahit hindi mamahaling kotse, basta yung maaasahan na hindi masisira sa gitna ng kalye. Simple lang.

Gusto ko din magkaroon ng purpose. Yung trabaho na mag bibigay sa akin ng oportunidad na makatulong sa mga taong nasa ibaba ng sistema. Tingin ko hindi ko kayang maging doktor dahil hindi naman ako ganun kahilig magbasa ng libro. Pero alam ko na maraming paraan para makatulong sa aking mga kapwa na nangangailangan ng suporta.

Gusto ko kahit saan ako mapunta ay hindi ko padin makakalimutan kung saan ako nanggaling. Ayoko maging tulad ng iba na nakaangat lang sa buhay ng kakaunti ay parang hindi na kayang abutin. Yung mga tao na nakakalimutan na nila kung sino yung mga tao na nasasandalan nila dati.

Sana mayroon nalang akong bolang crystal para mahulaan ko kung saan ako mapapadpad dito sa buhay natin na kung minsan naman ay talaga medyo mapaglaro.

Pero kahit na wala pa akong ideya kung saan ang aking hantungan, sinisiguro ko naman sa sarili ko na hindi ako hihinto sa tabi at maghahantay nalang ng swerte. Ako ang gagawa ng sarili kong swerte. Dahil buhay ko ito, walang makakapigil sa akin upang makamit ko ang aking mga pinapangarap.